Himakas
ng Pakikisalamuha
Cherry Gonzales
Anim
na buwan na ang nakakaraan mula nang ako ay makipamuhay sa Brgy.
San Vicente, Buhi, Camarines Sur. Ngunit ngayon ko lang susubukang
isulat ang mga pangyayari at aral na aking natutunan. Bakit nga
ba? Marahil masyado pang sariwa ang karanasang iyon, kaya’t
hindi pa malinaw kung susuriin agad. Ayon nga sa propesor ko sa
Kasaysayan I, “ang isang pangyayari ay nahuhusgahan ng marapat
pagkalipas ng panahon … kapag malaya na ito sa iyo at sa
mga ‘bias’ na dala ng kasariwaan nito.”
Ang isa sa mga layunin ng imersyon ay ipakita at iparanas sa
estudyanteng tulad ko ang iba pang mukha ng pamumuhay. Kaayang-ayang
lugar ang Brgy. San Vicente, Buhi, Camarines Sur. Ang paligid
ay luntian, sariwa ang hangin at mainam para sa meditasyon o
simpleng pagmumuni-muni. Lalo pa itong nabigyan ng buhay ng
mga taong bumubuo sa komunidad nito. Payak ang pamumuhay nila.
Hindi na ito kaiba sa akin. Katunayan, hindi ako gaanong nahirapan
sa uri ng pamumuhay na may pagkasinauna ang dating dahil sa
kakulangan ng teknolohiya tulad na lamang ng patubig. Pagsasaka
ang ikinabubuhay ng pamilyang kumupkop sa akin. Tunay namang
napakabait at maalalahanin nila.
Madaming naganap sa loob ng tatlong linggong pakikisalamuha.
Samu’t saring emosyon ang idinulot nito–pangungulila,
pagtanggap, kasiyahan, kalungkutan, pagpapasalamat, at kung
anu-ano pa. Ito ay naghatid ng galak at gayundin ng kurot sa
puso. Ngunit hindi sumagi sa akin ang panghihinayang sa dalawampung
araw ng buhay ko na inilaan dito. Habangbuhay kong pagyayamanin
ang mga karanasang ito at ang mga taong nakilala’t nakasama
ko.
Sa pagbabalik-tanaw, naisip kong ibayong disiplina pala ang
ginagawa nila kumpara sa pagtatrabaho ng may tinitingalang amo.
Kumbaga, nasa iyo ang ikauunlad mo. Walang amo na sisita sa
iyong serbisyo. Aba, kung tatamad-tamad ka, wala kang aanihin
at wala ring ihahain sa hapag-kainan. Ngunit kapag masipag ka
nama’y matiwasay na makakaraos ang iyong buhay. Napakasimpleng
buhay lamang, hindi ba?
Ngunit higit pa roon ang aking nakita. Hindi pala ganun kasimple
ang buhay nila. Nang magsimula na kaming tumulong sa pagbibigay
ng pulong ukol sa agrikultura at kalusugan, may napansin na
kaming mga problema. Ang isang suliranin ay nag-ugat mula pa
sa ibang suliranin. Ang pagkakatagni-tagning ito ay kakakitaan
ng katunayang ang mga bagay-bagay ay ugnay-ugnay. Wala itong
simula at wala ring dulo. Ang mga sangkap ng kultura ng komunidad
tulad ng pulitika at relihiyon ay waring walang malinaw na hangganan.
Ang uri ng pamumuhay ay naapektuhan ng mga sangkap na ito na
madalas ay nagdudulot na ng pagkalito sa pagitan ng mga namumuno
sa komunidad at sa mga sumusunod dito, lalo na kung malaki ang
pagkakaiba ng sangay. Ang pagkalito ay sa pagitan ng moderno
at klasikal na paniniwala, relihiyon at pulitika, at tradisyonal
at makabagong pamumuhay. Sa gitna ng mga suliranin at pagkalito,
natanto kong mayroon pang maaaring magawa upang ang problematiko
at kumplikadong ugnayang ito ay mabago. Saan man sa tanikalang
ito ay maaaring kabitan ng mas mainam na ugnayang magtutungo
sa pangkalahatang kabutihan.
Ang tatlong linggong pamamalagi doon ay hindi sapat upang makagawa
ng konkretong pagbabago. Ngunit alam kung may magagawa pa. Kahit
paano’y nabatid ko na ang kaibang kalagayan, at mula rito’y
maari pa akong unti-unting kumilos upang ito’y ibsan.
Alam kong madaling bitawan ang mga salitang ito, ngunit gising
na ang kamalayan ko. Ang bawat hibla ng aking natutunan at naranasan
ay nanunuot na sa saplot ng aking pagkatao. Habambuhay ko itong
dadalhin at pagyayamanin. Sa sarili ko, alam kong may magagawa
ako
Cherry
is
a student of B.A. Social Science major in Area Studies who started
as a student assistant in the Office of Pahinungod and Continuing
Education for a year. She joined the Summer Immersion Service
Program in 2004 and was deployed to Buhi, Camarines Sur.